Minsan ang buhay di malaman kung nagbibiro dahil sa mga di inaasahang unos na dumarating sa ating buhay. Minsan naiisip natin na sumuko na lamang at huwag nang lumaban pa pero tayo rin ang kaawa-awa sa dulo.
Hindi natin mawari kung sinusubok tayo ng Diyos dahil sa mga suson-susong mga problema sa buhay. Namatayan, nawalan at nasaktan pero sa kabila ng mga nangyayari sa atin, nananatili pa rin tayong matibay, matatag at masaya dahil wala namang idudulot na maganda ito sa atin kung hindi natin isasara ang pintuan ng nakalipas. Marami nang beses na tayo ay nadapa. Paulit-ulit at halos hindi na makayanan pa pero magpasalamat pa rin tayo sa Diyos dahil ang lahat ng nangyayari sa atin ay may iniiwang ginintuang aral na nagbibigay sa atin ng ispiration para tayo'y mabuhay pa. Naiisip din natin na sana sa ating buhay, palagi na lamang tayong masaya, na hindi nakararanas ng hirap at pagod pero paano natin maaalala ang Maykapal kung hindi tayo makakaranas ng hirap at pighati? Sana rin hindi tayo nawawalan ng mahal sa buhay dahil mahirap at masakit ang mawalan. Kung maaari lang sana sa araw na sumahukay tayo'y babalik din tayo sa ating pagkabata,pero hindi. Habang tumatanda tayo'y lumalapit din ang ating katapusan. Sana din sa ating katapusan ay makamit natin ang mga mithiin, taong may ipapamana tayo kahit paano sa ating mga mahal sa buhay, pamanang magiging kasangga nila para labanan ang badya ng kahirapan. Mayroon ding mga pagkakataong sumusuko tayo at nawawalan ng pag-asa sa kadahilanang hindi natin ito kayang labanan pa pero naniniwala ako na ang mga taong nawawalan ng pag-asa ay ang mga taong walang magandang kinabukasan dahil pinaiiral nila ang kabiguan sa kanilang puso kaysa sa pagbangon sa sariling mga paa. Tayo rin lang ang gumagawa ng ating kapalaran. Ang Diyos lamang ang nagsisilbing gabay natin upang ituro tayo sa tamang landas na ating tatahakin. Kaya huwag natin isisi sa kanya kung anu mang klase ng buhay mayroon tayo ngayon. Mag pasalamat na lamang tayo dahil patuloy pa rin tayong lumalaban dahil habang may buhay, may pag-asa ika nga. Kumayod tayo nang kumayod pasasaan ba't dadalhin din tayo ito sa tugatog ng ating mga pangarap at mithiin para sa atin pati na rin sa kapakanan ng ating pamilya at ating magiging pamilya sa kinabukasan.
Ituring natin na lahat ng mga ito'y pagsubok lamang para tayo'y maging matatag at matapang dahil ang mga taong lumalaban ay mga taong nagiging ehemplo ng bawat nilalang sa mundo. Isipin din natin na sa bawat pagtapal natin sa pusalian ay katumbas ng pagtapak natin sa kalangitan. Magtiwala lamang tayo sa Maykapal dahil alam niya ang mas nakakabuti para sa ating lahat.
No comments:
Post a Comment